Pagtuturo
ng Maugnaying Pilipino: Kasaysayan at Simulain
                Ang pagtuturo ng Maugnaying
Pilipino ay makatutulong sa paglinang ng wikang Pambansa. 
Marami
ang nagsikap at nagsisikap na mapayaman at mapaunlad ang wikang pambansa.
Layunin ng mga pagsisikap na ito na magamit ang Wikang Filipino bilang wikang
panturo o midyum ng pagtuturo. Naniniwala ang mga makabayang dalubwika o
linggwista na ang paggamit ng pambansang wika sa pagtuturo ng kaalamang
aghamin at teknikal ang susi sa pagkakaisa at pag-unlad ng bansa.
            Maituturing
na maunlad na nga ang isang wika kung ito ay nagagamit sa larangan ng agham at
teknolohiya; at nakakaagapay sa pag-unlad ng kabihasnan. Isa sa tinuturing na
maunlad na wika sa kasalukuyan ay ang Ingles. Ang wikang ito ay ginagamit sa
komunikasyong pandaigdig, kalakalan at sa iba't ibang larangan ng agham. Isa
rin sa maituturing na maunlad na wika ay ang Niponggo. Bagaman hindi ito
ginagamit sa pandaigdig na komunikasyon, ay ginagamit naman ito sa bansang
Hapon sa kalakalan, industriya, pamahalan at sa iba't ibang larangan ng agham.
            Kapansin-pansin
na ang mga bansang may maunlad na wika ay mayroong ding maunlad na kabuhayan at
sulong o advance na teknolohiya. Ang katotohanang ito marahil ang nag-uudyok sa
mga akademiko ng Pamantasang Dela Salle, Unibersidad ng Pilipinas at iba
pang-instutusyon na maisulong ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng
edukasyon. 
            Isa
sa mga nagsikap na maisulong ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng
edukasyon lalu na sa agham at teknolohiya ay si Agsikap Gonsalo Del Rosario.
Ang kanyang "Maugnaying Pilipino" ay nakatawag pansin sa maraming
sektor ng lipunan, akademiko at di-akademiko. Bilang guro at mag-aaral  na nagpapakadalubhasa sa pagsasalin, ang
malawak na kaalaman sa Maugnayin Pilipino ay mahalaga sapagkat maaring magamit
ang mga kaalamang ito sa bilang mabisang kasangkapan sa pagsasalin.
         
"Kailangan ng Pilipino ang intelektwalisasyon.  At 
ito  ay matatamo  lamang 
sa  pamamagitan  ng 
paggamit  sa  mga 
paksang  teknikal. Hindi
masasabing intelektwalisado  na ang
Pilipino hangga't  ito'y  hindi 
nagagamit  sa  disiplinang tulad ng batas, inhinyerya,
medisina, at  iba  pang mataas  
na  karunungan.  Kaya't  
kailangang  pagtuunang-pansin  natin 
ang pagsasalin  hindi  lamang 
ang mga  paksang  di-teknikal 
kundi gayun din sa mga  paksang
teknikal (Santiago 1976)."
            Tulad
ng binanggit ng talata, matatamo ang intelektwalisasyon ng Pilipino kung
pagtutuunan ng pansin ang paggamit nito sa larangan ng agham. Ang
"Maugnaying Filipino" ay naghaharap ng isang sistema na maaring
gamiting batayan sa pagsasalin ng mga katawagang agham at teknikal.
Kasaysayan
ng Maugnaying Pilipino
            "Ang
Maugnaying Filipino ay isinilang noong kalagitnaan ng dekada 60 sa ilalim ng
pagtangkilik ng UNESCO at NSDB; ito ay umunlad noong dekada 70 sa Gregorio
Araneta University Foundation (Del Rosario 1980)."  Sa pangunguna ni dating Senador Geronima
Pecson na siyang Tagapangulo noon ng UNESCO National Commission of the
Philippines ay naitatag ang Linangan (Akademya) ng Wikang Pilipino. Ang
Linangan ay binubuo ng labing isang kasapi na tinuturing na mga awtoridad sa
Liggwistikang Pilipino at panitikan noong mga panahong iyon.  Sila ay mga kasapi sa habang buhay (member
for life).  Ang punong akademiko ay si
Dr. Jose Villa Panganiban na sa maraming taon ay direktor ng Surian ng Wikang
Pambansa. Iba't ibang komite ang tinatag upang mag-aral sa paggamit ng Pilipino
sa panitikan, gramar, mas midya, histori, at terminolohiyang Agham. 
            Ang
lupon sa agham ay pinamunuan ni Dr. Rogelio N. Relova bilang tagapangulo kasama
si Eng. Gonsalo del Rosario na siyang tagapangulo ng research sub-committee.
Ang Lupon sa Agham ang pinakaaktibong komite ng linangan. Sa pamamagitan ng
prisipyong Maugnayin na bunuo ni del Rosario noong 1960-1964, nakatipon ang
Lupon sa Agham ng 7,500 basic term sa Agham at teknolohiya.
            Ang
maugnaying prinsipyo ay ang pagpapahayag ng mga magkakaugnay na kaisipan sa
pamamagitan ng magkakaugnay na salita o terminolohiya sa magkakaugnay na
morpolohiya. Halimbawa ang mga salitang heat, hot, temperature, at enthalpy.
Ang mga ito ay may malapit na pagkakaugnay na kaisipan, subalit ang mga salita
ay parang hindi magkakaugnay, kaya mahirap maunawaan lalu na ng mga batang
galing sa hindi Ingles na bansa. Sa maugnayin, ang mga kaisipang ito ay
ipinahahayag sa mga salitang magkakaugnay sa morpolohiya tulad ng init, mainit,
kainitan, at sang-init. Ayon kay Del Rosario (1980), ang pagkakaroon ng
salitang-ugat na init sa lahat ng terminong nabanggit ay nagpapadali sa
pag-unawa sa kaisipan.
            Unang
sinubukang gamitin ang maugnayin nang matalagang tagapangulo ng National
Langguage Commission of the City of Manila si Eng. G. del Rosario (1964-1965)
sa ilalim ng pamunuan ni Mayor Antonio Villegas. Ang komisyon ay bumuo ng mga
terminolohiyang tulad ng isang patunguhan (one way), Maharnilad (Manila City
Hall), Lagusnilad (Maharnilad Mini-freeway) at mga military commands na ngayon
ay ginagamit ng militar at pulis lalu na sa parades
and reviews.
            Ang
pangalawang malawakang paggamit ng Maugnayin ay nang hilingin ng National Media
Production Center sa Lupon sa Agham ang pagsasalin ng mga salita at expresyon
na ginagamit sa kampanya ng family planning. Sa ilalim ng programang ito, ang
lupon ay nakapaghanda ng may tatlong daang terminolohiya na matagumpay na
tinanggap ng lipunan, tulad ng punlay (sperm), itlugan (ovary), anurang-itlog
(fallopian tube), at marami pang iba.
            Noong
Hulyo 1, 1968 lumipat si Eng. Del Rosario mula sa pagiging Executive
Vice-President ng isang kilalang engineering firm sa Araneta Universiy
Foundation bilang dekano ng Institue of Engineering. Isa sa kasunduan ng
kanyang paglipat ay, siya (del Rosario) ay bibigyan ng pagkakataon na subukan
ang Maugnaying Pilipino sa akademikong komunidad. 
            Naghanda
si del Rosarion ng silabus para sa pagtuturo ng maugnayin. Noong Agosto 10,
1968 nagpalabas ang alkalde ng Maynila Antonio Villegas ng kautusan sa
Tagapanihala ng Paaralang Lungsod upang atasan ang lahat ng guro na nagtuturo
ng baitang I hanggang IV na kumuha ng espesyal na kursong  Aghimuing Pilipino 201 (Technical Pilipino)
na hinanda ni Gonsalo del Rosario sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. 
            Noong
Hulyo 7, 1969 pinahintulutan ng direktor ng Pribadong Paaralan ang Araneta
University Foundation na ituro ang Pilipino 201 bilang elektib sa graduate
level sa isang experimental basis
epektibo sa taong 1969-70.
            Dahil
sa kahilingan ng mga mag-aaral isinama sa kurikulum ng undergraduate sa Araneta
University mula noong taong pamparalan 1970-71 ang Pilipino 21-A (Aghimuing
Pilipino) at Pilipino 22-A (Aghimuing Panulatan), batay sa pagsang-ayon ng
Departamento ng Edukasyon at Kultura.
            Noong
Octubre 18, 1977 pinagtibay ng Bureau of Higher Education sa pamamagitan ni
Direktor Antonio Dumlao ang kahilingan ng Araneta na mag-offer ng kursong
"AB, major in Technical Pilipino."
            Noong
Hulyo 21, 1978 ang Ministri ng Edukasyon at Kultura ay nagpalabas ng MEC order
no. 22 serye ng 1978 na nagsasaad ng pagiging rekwayrments ang 6 units ng
Pilipino sa kolehiyo. Dahil dito, naging mandatory sa libu-libong mag-aaral ng
Araneta ang kumuha ng Pilipino 21-A at Pilipino 22-A.
            Dahil
sa bumabagsak na kalagayang pang-ekonomya ng Pilipinas noong unang bahagi ng
dekada 80, nagkaroon ng hidwaan ang pangasaiwaan at mga kawani ng Araneta na
halos humantong sa halos pagsasara ng nasabing institusyon. Nasabayan pa ito ng
pagkakapaslang kay Senador Benigno Aquino na lalong nagpabagsak sa ekonomiya.
Bunga ng mga ganitong pangyayari, maraming guro ang lumipat sa ibang
instutusyon at umalis sa pagtuturo. Kabilang sa mga gurong ito ang mga guro ng
Pilipino. Bunga nito, nahinto ang pagtuturo ng Maugnayin sa GAUF.
            Halos
kasabay ng pagyao ni Ka Along (tawag ng mga malapit kay Del Rosario) ang waring
pagyao ng Aghimuing Pilipino. Akala ng marami ay kasamang nalibing ni Ka Along
ang kanyang Maugnaying Pilipino, dahil natigil nang mahigit limang taon ang
pagtuturo nito. Subalit noong unang semestre ng 1993 muling nabuhayan ng dugo
ang Maugnaying Pilipino nang bumalik sa pagtuturo sa Araneta si Prof. Julieta
Velasquez, isa sa mga naunang nagtapos ng AB-major in Technical Pilipino.
            Mula
noong taong 1994-1995 sinimulan muling ituro ang Aghimuing Pilipino sa Gregorio
Araneta University Foundation. 
Mga
Batayang Simulain ng Maugnaying Filipino
            Bilang
wikang panturo ng agham, ayon kay Relova (1973) ang maugnaying Pilipino ay
nakasalalay sa mga sumusunod na simulain,:
            1.
Paagapay na gamit ng mga magkakahawig na salita sa iba't ibang wika sa
Pilipinas upang magkatulong sa pagkakaisa sa halip na magkawatak-watak. Ang mga
salitang ito sa pagpapalawak ng talasalitaang pang-agham.
               Halimbawa:
               tubig (Tagalog)     water
               danum (Ilokano)     liquid
               lupa  (Tagalog)    
land
               duta  (Bisaya)     
earth
            Sa
simulaing ito, kung walang matagpuang tiyak na katumbas sa mga wika ng
Pilipinas ang isang katawagang-agham, gagamit ng isang salita na may
pinakamalapit na konsepto sa salita/katawagan.
            2.
Mapamiling panghihiram upang ang mga salitang-ugat lamang ang makakapasok sa
ating wika, o iyong mga  salitang maaring
ituring na salitang ugat kapag nakapasok na sa Pilipino. Ang mga salitang
hihiramin ay babaybayin ayon sa palabigkasan at palatitikang  Pilipino.
               Halimbawa:
               acid           asid
               acidic         maasid
               acidity        kaasidan
               phosphate      pospeyt
               pyrophosphate  apoypospeyt
            3.
Aghaming pananaliksik at paggamit ng palabuuan ng mga salita ayon sa balarila
ng Wikang Pambansa, bilang pagtuklas sa mga tagong kahulugan ng mga
karaniwang  salita.
               Halimbawa:
               Paglalapi
               kabalaghaan    phenomenon
               balagha        event
               bagha          fact
 Pagtatambal
               kusanloob      voluntary
               gantimbigat    counterweight
               bayadturo      tuition fee
               Buuang ulit ng salitang ugat
               hunahuna       educated guessing
               huna           theory
               guniguni       imagination
               guni           imaginary
            Sa
simulaing ito, sinusuri ang mga salita at hinuhugot ang pinakaugat at ginagamit
sa mga kaisipan na may kaugnay o malapit na konsepto. 
          Halimbawa:
               gunimbilang    imaginary number
            4.
Taliwas sa paniwala ng ilan, ang maugnayin ay hindi purista sapagkat may puwang
dito ang panghihiram ng  salita. Subalit
sa kabila ng panghihiram ang Maugnayin ay hindi naman haluan.
            Halimbawa:
            Ingles:
The three states of matter are solid, liquid and gas.
            Purista:
Ang tatlong kalagayan ng mga bagay ay buo, tunaw at singaw.
            Haluan:
Ang tatlong estado ng matter ay solido, likido at gas.
            Maugnayin:
Ang tatlong himtang ng mga butang ay siksin, danumin at buhagin
Pagsusuri:
            Purista
            kalagayan
- condition
            buo
- whole
            tunaw
- dissolved
            singaw
- vapor
            Haluan
            estado
- maaring ipagkamali sa estado polotikal
            solido,
likido, gas - tuwirang hiram
            Maugnayin
            Himtang
(Bisaya) - state
            Butang
(Bisaya) - matter
            siksin
(siksik + sinsin) - solid (paghahalo)
            danumin
(Ilokano) - liquid (paagapay na gamit)
            Buhagin
(Bisaya) - gaseous
            Sa
Maugnaying Filipino ang isang terminolohiyang teknikal ay sinisikap na maihanap
ng tiyak na katumbas sa iba't ibang wika at wikain sa Pilipinas. 
Ang
Maugnaying Palabuuan Ng Mga Salita
            Ayon
sa simulaing Maugnayin, may labindalawang lahatang mga paraan ng pagbuo ng mga
salita sa Filipino. Lahat halos ng paraang ito ay magagamit na batis sa
paghugot ng mga salin ng katawagang agham, buhat sa mga likas na salita o buhat
sa mga hiram na salitang nakapasok na sa ating wika. Narito ang mga paraan ng
pagbuo ng salita sa Maugnayin ayon kay Relova (1973):
1.   Bahagihang ulit ng Salitang-Ugat
Inuulit
ang isang pantig ng salitang-ugat. Ang pantig na inuulit ay maaaring ang una o
ang huling pantig ng salita.
     Halimbawa:
               Aliw-iw        Lalaki
               Babai          Bulaklak
               Bubuli         dadangkal
            Ang
bahagihang inulit na salita ay nagpapakita ng ugali, hawig, at palawak ng
kahulugan ng salita.
            Maaaring
gamitin ang palabuuang ito sa pagsasalin ng mga tawag na nagbabadya ng palagian
ugali o gawi.
Halimbawa:
               parasite  =   
sasandig (s.u. sandig)
               scavenger =    sasaid (s.u. said)
            Mahuhugot
ang salitang ugat upang magdala sa buong kahulugan ng inulit na salita, bilang
salitang-ugat sa pagsasalin ng iba pang salitang kaugnay ang kahulugan.
            Halimbawa:
               Pistil = Kabaihan, sa halip na
Kababaihan (Womanhood)
               Stamen = Kalakihan, sa halip na
Kalalakihan (Manhood)
2.   Buuang-ulit ng Salitang-Ugat
            May
aapating pantig na salitang binubuo sa pamamgitan ng pag-uulit ng buong
salitang-ugat. 
            Halimbawa:
               Paruparo                   Hunahuna
               Alaala                       Sabisabi
               Guniguni                  Ukab-ukab
            Ang
pag-uulit ng salitang-ugat ay nagpapakita ng tindi, hawig, at dami ng kahulugan
ng salitang-ugat. 
            Maaaring
hugutin ang salitang-ugat upang taglayin ang isang pinakitid ngunit higit na
tiyak ng kahulugan.
            Halimbawa:
               Guniguni - Imagination
               Guni - Imaginary
               Gunimbilang - Imaginary number
               Guningguhit - Imaginary line
               Huna-huna = Guess
               Huna - Theory
3.   Paglalapi
            Ang
panlapi ay isang morpema na inilalagay sa isang salita upang magbigay ng dagdag
o pagbabago ng kahulugan.
            Mga
Salitang Inunlapian - ang panlapi ay ikinama o inilagay sa unahan ng
salitang-ugat.
            Halimbawa:
               Kapatid       
Padala
               Kasama         Santangkas
               Hinuko         santungo
               Mabisa         Tagasulat
               Pabaon         Tagasuri
            Mga
Salitang Ginitlapian - ang panlapi ay ikinama o inilagay sa gitna ng
salitang-ugat.
            Halimbawa:
               Palakpak                   Wasiwas
               Balagbag                  Lagalag
            Ang
mga gitlapi ay maaaring magdala ng kahulugang palaki, patindi, at patiyak.
            Palaki:   Biwas    
=    Baliwas
            Patindi:  Saksak   
=    Salaksak
            Patiyak:  Tunton   
=    Talunton
            Mga
Salitang Hinulapian - ang panlapi ay ikinama o inilagay sa hulihan ng
salitang-ugat.
            Halimbawa:
               Anuran                     Duct
               Punlayan                  Seminal
verscicle
               Itlugan                      Ovary
               Punlaan                    Seedbed
               Sariin                        Sexual
               Ligiranin       Orbital
               Aghamanon              Scientist
               Haynayanon             Biologist
               Sipnayanon               Mathematician
            Mga
Salitang may Kabilaang Paglalapi - sabay na ginamitan ng unlapi at hulapi ang
iisang salitang-ugat.
            Halimbawa:
                        Kabansaan        Nationality
                        Kaugnayan       Relationship
              
         Kabaitan                      Kindness
                        Kaasidan                     Acidity
            Maangkupin                Adaptable
                        Matangiin                    Specific
                        Maugnayin
                 Integrated/consistent
                        Maturingin      Defineable
              
         Paayusan                     Repair
Shop
                        Palimbagan      Printing
House
Pampantasan
-  Pamantasan     University
Pampantayan
-  Pamantayan     Standard
Pantawidan  - 
Panawiran      Interchange
                        Sanlibutan     Universe
                        Sampaksaan     Symposium
                        Sampisanan     Federation
                        Santauhan      Personnel
            Mga
Salitang May Laguhang Paglalapi - Ang tatlong uri ng panlapi ayon sa gamit ay
sabay-sabay na ginamit sa iisang salitang-ugat.
            Halimbawa:
                        Bagha                          Fact
                        Balagha                       Event
                        Kabalaghaan               Phenomenon
                        Sukoy                          Present
                        Salukoy                       Immediate
present
            Kasalukuyan               Extended Present
4.   Satambal
            Dalawang
salitang-ugat ang pinagdugtong upang bumuo ng ikatlong salita na nagtataglay ng
pinaglakip na kahulugan ng dalawang salitang pinagtambal.
            Halimbawa:
                        Balatkahoy     Bark
                        Initsukat      Thermometer
                        Initsupil      Thermostat
                        Lipat-tanim     Transplanting
5.   Paggamit ng Panambal
            Ang
panambal ay ang pinaikling anyo ng isang salita na nagtataglay ng buong
kahulugan ng salitang pinaghugutan.
            Halimbawa:
               Liit = Lit
               Litsaya        Miniskirt
               Litsilid       module
               Mikmik = Mik   (Micro)
               Miksipat       Microscope
               Mikgayat       Microtone
               Kubli = Kub    (Sub)
               Kubtangkas     Subset
               Kubmalay       Sub-conscious
               Kublupon       Sub-committee
               Dalawa = Dal   (Bi)
               Dalwika        Bilingual
               Tatlo = Tat    (Tri)
               Tatsulok       Triangle
               Tatpuno        Triumvirate
6.   Paghahalo
            Dalawa
o higit pang pinaikling anyo ng mga salita ang pinagdurugtong-dugtong upang
bumuo ng isa pang salitang nagtataglay ng pinaglakip na kahulugan ng lahat ng
mga salitang pinaghugutan ng mga pinaikling anyo.
            Halimbawa:
Banyuhay        metamorphosis
(Bago+Anyo+ÿBuhay)
Punlay Sperm
(Punla+Buhay)
Punlog Zygote
(Punlay+Itlog)
Sihay               Cell
(Silid+Buhay)
7.   Sawangki
            May
salitang nabubuo sa pamamagitan ng pagtulad sa tunog at anyo ng iba pang
salitang may kahawig na kahulugan. Sa sawangki ay binibigyan ng diin ang isang
tanging pagkakaiba ng magkalapit na salita samantalang hindi naman pinaglalayo
ang tunog upang madaling unawain ang mga ito.
            Halimbawa:
                        Dalubhasa       Expert
                        Dalubguro       Professor
                        Dalubpuno                  Dean
                        Miksipat                      Microscope
                        Daksipat                      Telescope
                        Kalakal                        Industry
                        Kalalang                      Commerce
8.   Panghihiram
            Kung
walang matagpuang katumbas na salita sa lahat ng mga wika at wikain sa
Pilipinas ang isang katawagang aghamin, hihiramin ang ang salitang-ugat o ang
salita na maituturing na salitang ugat kapag nakapasok na sa Filipino. Kung may
kahawig na salita sa Pilipino subalit ang kahulugan ay maluwag, alalaon baga'y
hindi gaanong matining, ang kahulugan lamang ng salitang banyaga ang hihiramin
at ito ay isasalin sa singkahulugang salitang Filipino.
            Lipathiram - Hinihiram ang kahulugan ng
salitang banyaga at inililipat sa isang salitang lokal na halos ay katapat
bagamat sa dating gamit ay hindi matining ang kahulugan. Ito ay kaugnay ng
simulain sa agapay na gamit ng mga salita sa ibat-ibang wikain sa Pilipinas.
            Halimbawa:
                        Lakas               Strength
                        Kusog              Energy
                        Isig                  Force
                        Isog                 Power
            Salinghiram - sa halip na hiramin ang
kahulugan ng isang salitang pinagtambal sa Ingles o Kastila, tuwirang
isinasalin sa katapat na salita ng bawat salitang-ugat na ginamit sa pagbuo ng
salita. Ito ay isang pagagad na paraan ng pagsasalin. Naiiba ito sa lipathiram
sapagka't ang kahulugan ng mga salitang pinagsalinan ay tiyak at matining na
bago pa sa pagsasalin.
            Halimbawa:
                        Skycrapper      Kayudlangit
                        Coastguard      Tanodpasigan
                        Counterweight            Gantimbigat
                        Scarecrow                   panakot-uwak
                        Tube
nucleus               Tubumbutod
            Tuwirang Hiram - hinihiram ng buo ang salitang
banyaga at inaangkop ang bigkas at baybay sa Filipino. 
            Halimbawa:
                        Barco               Barko
                        Antenna          Antena
                        Repollo            Repolyo
                        Silla                 Silya
                        Piña                 Pinya
                        Nitrogen          Naytrodyen
            Haluuang
Hiram - ang tambalan o malatambalang salitang banyaga ay isinasalin sa
pamamagitan ng panghihiram ng salitang-ugat na walang katumbas sa Filipino at
pagtatambal dito ng mga panambal na Filipino o mga salitang mayroong  katumbas.
            Halimbawa:
                        Bakal
oksad                Iron
Oxide
                        Libowat                       Kilowatt
                        Tingga
Sulpad             Lead
Sulphate
9.   Mga Pambalarilang Pagbabago
            Ang
Salita ay nagbabago ng anyo ayon sa gamit.
            Pagbabanghay
- pagbabago ng anyo ng pandiwa.
                        Halimbawa:
                        S.U.                             Gawa
                        Pawatas                       Gumawa
                        Pangnagdaan               Gumawa
                        P.
Kasalukuyan           Gumagawa
                        Panghinharap              Gagawa
            Saukol
- ang pagdurugtong ng pang-ukol sa isang salita ay nagpapahayag ng tiyak na
pagkakaukol.
            Halimbawa:
                        Saiyo          yours
                        Saakin         mine
                        sauri          classification
                        sasuri         analysis
            Sabaylo
- nagbabago ng tunog ang isang salita upang ipakilala ang kasarian ng
tinutukoy. Ito ay epekto ng balarilang Kastila sa Balarilang Pilipino.
            Halimbawa:
                        Bolero             Bolera
                        Kahero            Kahera
                        Usisero            Usisera
10.  Punumpantik
            Bumubuo
ng isang salita buhat sa mga namumukod na pantig o titik na ginagamit sa isang
parirala o pangungusap at ang salitang ito ay pinagdadala ng buong kahulugan ng
parirala o pangungusap na pinaghugutan.
            Halimbawa:
             KAMFIL - Kapisanan ng mga
Mag-aaral sa Filipino
             LABAN - Lakas ng Bayan
             GAT - Giting At Tapang
11.  Paglikha
            Pagbuo
ng mga salitang walang batayan nguni't nagiging gamit sa pana-panahon. Ito ay
walang kabuluhang aghamin sa isang maugnaying wika.
            Halimbawa:
                        Alembong
                        Bakla
                        Pogi
                        Jeprox
                        Datung
                        Atik
                        Pokpok
12.  Salipat Diin - sa paglilipat ng diin, ang
isang salita ay nagkakaroon panibago ngunit kaugnay na kahulugan.
            Halimbawa:
                        Buhay              Life
                        Buhay              Alive
                        Gugulin           To
spend
                        Gugulin           Expenditure
                        Wikain             To
say
                        Wikain             Dialect
Laguhan Paraan ng
Pagbuo ng Salita
            Dalawa
o higit pang mga paraan ng pagbuo ng salita ay ginagamit sa pagbuo ng isang
salita. 
            Halimbawa:
               Katutubo
               Sisidlan
               Kinalulugdan
               Kakilala
               Kikislapkislap
               Butetenglaot
 Kalagayan ng Pagtuturo ng Maugnaying
Filipino 
            "Ang
Filipino ay kailangang igitna sa maraming aktibidad sa larangan ng
pangangasiwang bayan, pagbabatas, katarungan, kabuhayan, pulitika, lipunan, mass media, sa agham at teknolohiya at
sa maraming disiplina ng karunungang pantao, sa negosyo at  industria (Pineda 1983)."
            Ang
panimulang hakbang sa paglalagay sa gitna ng maraming aktibidad sa lipunan ng
Filipino ay nagawa na ng Maugnayin. Nakapaghanda na ito ng talasalitang
pang-agham na  magagamit sa pagtuturo sa
iba't ibang disiplina.
            Ayon
kay Bb. Leah Mangohig, dating propesor sa Araneta "marami ang gumagamit ng
Maugnayin sa kanilang pagtuturo subalit ipinagkakaila na ang kanilang ginagamit
ay Maugnayin. Hindi mahalaga kung aminin nila o hindi na ginagamit nila ang
Maugnayin, ang mahalaga sa lahat ay nag-ugat na ang Maugnayin sa larangang
akademiko."
            Maaring
hindi pa masasabing malaganap ang Maugnayin, subalit gaya ng nabanggit ni Bb.
Mangohig, ito ay nag-ugat na at dahan-dahang yumayabong at lumalaganap. Ang
pagtangkilik ng instutusyong politikal at ahensya ng pamahalaan ay magsisilbing
pataba upang ang Maugnyin ay yumabong nang tuluyan.
            Sa
ngayon, ang pagtuturo ng Maugnayin sa Araneta ay maihahambing sa isang taong
nagkasakit, na ngayon ay nagbabalik ang sigla at lakas.
            Mahalaga
at makabuluhan ang pagtuturo at paggamit ng Maugnaying Filipino sapagkat malaki
ang maitutulong nito sa intelektwalisasyon ng Pilipino. Naniniwala ang pasimuno
nito na ang paggamit ng katutubong wika sa pagtuturo ng anumang uri ng kaalaman
ay nakapagpapabilis sa proseso ng edukasyon.
Paggamit
ng Ingles
Bilang
Midyum ng Pagtuturo
            Kung
wikang dayuhan ang gagamitin sa pagtuturo, may tatlong proseso ang nagaganap sa
ating isipan tulad ng makikita sa dayagram. Kadalasan kung walang matagpuang
salin ng isang konseptong dayuhan sa ating kubmalay (sub-conscious), napuputol
ang pag-unawa o pagkatuto ng mag-aaral.
Paggamit
ng Katutubong Wika
Bilang
Midyum ng Pagtuturo
            Samantala,
kung katutubong wika ang gagamitin sa pagtuturo, may dalawang proseso lamang
ang nagaganap sa ating isipan. Hindi na kailangan isalin pa ang isang konsepto
sa ating kubmalay para maunawaan ito. Kaya mabilis ang pagkatuto o pag-unawa ng
mag-aaral sa isang impormasyon. Ito ang napatunayan na ng maraming pag-aaral
ukol sa wika. Maging ang Kalihim ng edukasyon na si Bro. Andrew Gonzalez ay
naniniwala sa kabisaan ng paggamit ng katutubong wika sa pagtuturo kaya sa
kanyang kautusan na ipinalabas kamakaylan ay ipanag-utos niya ang paggamit ng vernacular at local dialect sa pagtuturo sa iba’t ibang asignatura ng
elementarya, maliban siyempre sa English subjects.
Konklusyon
            Ang
Maugnaying Pilipino ni Gonsalo del Rosario ay naghaharap ng isang mainam na
simulain at pamamaraan na makatutulong sa paglinang ng Pambansang Wika sapagkat
ito ay tumutugon sa tadhana ng saligang batas.
            Ayon
sa Artikulo XIV seksiyon 6 ng 1987 Konstitusyon:
            "Ang
wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat
payabungin at  pagyamanin pa salig sa
umiiral na wika sa Pilipinas at  sa iba
pang mga wika.
            Alinsunod
sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng
konggreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at
puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na
komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang edukasyon."
Sa simulain ng
maugnayin, ang umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang mga wika ay
pinaghahanguan ng mga katawagang agham o teknikal upang ang Filipino ay magamit
na midyum ng edukasyon.  Bukod sa
pagsunod sa tadhana ng saligang batas, ito ay masasabing kumakatawan sa lahat
ng Pilipino sapagkat ang lahat ng wika sa Pilipinas ay may puwang sa sistema ng
pagbuo ng mga salita.
            Ayon
kay Alfonso Santiago (1973), ang panghihiram ng maugnayin sa iba't ibang wikang
katutubo sa Pilipinas ay ikatutuwa ng mga di-Tagalog. Ito ay makababawas sa
pagtutol ng mga sumasalungat sa Filipino partikular na ang mga di-Tagalog,
sapagkat ang maugnaying ay hindi lamang nakabatay sa Tagalog kundi sa lahat ng
wika sa Pilipinas. Ang maugnaying ay malaki ang maitutulong sa lalung
pagkakaisa ng mga Pilipino.
            Malaki
ang maitutulong ng kaalaman sa Maugnayin sa pagsasalin ng mga katawagang agham.
Ayon kay Prof. Reynaldo Aguilar, dating Puno ng Kagawaran ng Filipino ng GAUF
"parang lumalakad na diksyonaryo ang taong may malawak na kaalaman at
bihasang gumamit ng Maugnayin."
            Malaki
rin ang maitutulong ng Maugnayin upang mabawasan ang labis na panghihiram sa
wikang dayuhan na kundi mapipigilan ay makapapawi sa isang pagkakakilanlan
(identity) ng Pilipino. Ayon kay Miguel Santos (1983), ang labis at walang
patumanggang panghihiram ng mga salita sa dayuhan ay maaring humantong sa
tuluyang pagkamatay ng wika.
            Ayon
kay Santiago (1973) ang Maugnayin ay hindi perpektong sistema mayroon din itong
kahinaan, tulad ng mga likhang salita na lubhang mahaba, nakakatawa, hindi
matukoy agad ang kahulugan at nakapipilipit ng dila. Ito marahil ang naging
dahilang upang ang maugnayin ay umani ng mga pagbatikos sa ibang sektor.
            Ang
suportang pinagkaloob ng National Science Development Board ay nakapag-ambag ng
malaki sa paglinang ng Maugnayin. "Malaki ang naitulong ng buong-pusong
pagtangkilik at suporta ni Alkalde Villegas ng Maynila sa pagsilang at
pagtatagumpay ng Maugnayin", ayon kay Prof.  Carmen H. 
Litan ng PLM, dating guro rin sa Araneta. Ang mga bagay na ito ay
nagpapatunay na mahalaga ang suporta ng ahensiya ng pamahalaan at institusyong
pulitikal sa gawaing pangwika para ito ay magtagumpay.
Rekomendasyon
            Dapat
isama sa kurikulum lalu na ng mga kursong pagsasalin ang Maugnaying Pilipino
sapagkat ito ay isang mainam na alternatibo na makatutulong/magagamit sa
pagsasalin ng mga terminolohiyang teknikal.
            Sa
punto naman ng morpolohiya ng maugayin, iminumungkahi ang mga sususunod:
            1.
Maging praktikal sa pagsasalin ng mga katawagang agham. Kung mayroon nang
salita na tinatanggap ng  marami ay huwag
nang lumikha pa ng bagong salita. Ayon kay Newmark (1988) dapat gamitin sa
pagsasalin ang mga opisyal o mga pangkalahatang katanggap-tanggap na salin ng
isang katawagan o termino.
            2.
Isama ang sistemang Ganap na hiram sa paraan ng panghihiram kung saan ang
salita ay hinihiram ng buo nang walang pagbabago sa anyo. Ang sistemang ito ay
umiral naman ngayon at tinatanggap ng marami. Halimbawa ang mga salitang cake,
ice cream, computer, door bell, humburger, atbp.
            3.
Maging maingat sa pagbuo/paglikha ng mga salita sapagkat may mga salitang nagiging
katawa-tawa ang dating sa marami.
            4.
Upang maging katanggap-tangagap ang morpolohiya ng Maugnayin, iminumunkahi ng
may-akda ang sumusunod na 
modipikasyon/reklasipikasyon nito:
            A.
Pag-uulit o Reduplikasyon
                        1.
Bahagihang-ulit
                        2.
Buuang-ulit
            B.
Paglalapi (affixation)
                        1.
Inunlapian
                        2.
Ginitlapian
                        3.
Hinulapian
                        4.
Kabilaan
                        5.
Inunggitlapian
                        6.
Ginithulapian
                        7.
Laguhan
            C.
Pagtatambal (Compounding)
                        1.
Ganap
                        2.
Di-ganap
                        3.
Paggamit ng Panambal
D.
Paglilipat Diin
            E.
Panghihiram
                        1.
Lipat-hiram
                        2.
Saling-hiram
                        3.
Tuwirang-hiram
                        4.
Haluang-hiram
                        5.
Ganap na Hiram
            F.
Paglikha (Coinage)
                        1.
Paghahalo (Blending)
                        2.
Punumpantik (Akronym)
                        3.
Sawangki
                        4.
Iba pang paraan ng paglikha
            Sa
punto ng pagtuturo, dapat magsanay ng mga guro na may kakayahang magturo ng
maugnayin upang maiwasan ang paghinto ng pagtuturo nito tulad ng naganap noong
huling bahagi ng dekada 80.
Talasangunian
Aguilar,
R. (1983). Pagtuturo ng Pilipino Isang Hamon, GAUF
______et
al .(1983). Hawaklat sa Panulatan (Pil 102-A), Gregorio Araneta University
Foundation, Malabon
Cubar,
Nelly & Cubar Ernesto .(1994). Writing Filipino Grammar: Traditions &
Trends, New Day Publishers, Quezon City
Del
Rosario, G. (1980). Aghimuing Pilipino: Its Past, Present and Future, Molave,
GAUF
_______.(1979).
Maugnaying Talasalitaang Pang-agham, Lupon sa Agham, National Bookstore,
Maynila 
Newmark,
Peter N. (1988). A Textbook of Translation. Prentice Hall. New York
O'Grady,
W. at Dobrovolsky .(1987). Contemporary Lingistic Analysis: An Introduction,
Copp Clark Pitman Ltd. , Toronto
Pineda,
Ponciano B.P. (1983) Balangkas ng Planong Konseptwal Para sa Paglinang ng
Filipino,  Surian ng Wikang Pambansa
Ramos,
Teresita V. (1971). Makabagong Balarila ng Pilipino, Rex Bookstore, Maynila
Relova,
Rogelio.(1973). Mga Simulain sa Maugnaying Pilipino, GMS Publishing Corporation
Santiago,
Alfonso .(1976). Sining ng Pagsasaling-Wika, Rex Book  Store, 
Manila
Santos,
Miguel R.(1983) Wikang Filipino at Bahasa Indonesya Isang Paghahambing


 
Sir pwede ko po ba syang gamitin sa pananaliksik namin?
ReplyDeletesir, magandang araw. may iba pa po bang sources na mapagkukunan ng impormasyon kaugnay sa Maugnaying Filipino?
ReplyDeleteMagandang araw po. Maaari ba pong itanong kung ano ang kahulugan ng santangkás at kung saang aklat ito nagmula?
ReplyDelete